Makulay na Pagbubukas ng Buwan ng Wika Agosto 8, 2025
Noong ika-8 ng Agosto 2025, opisyal na binuksan sa ating paaralan ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Layunin ng programa na mapalalim ang pagpapahalaga sa wikang Filipino at sa iba’t ibang katutubong wika ng bansa bilang mahalagang susi sa pagkakaisa at pagpapanatili ng ating kultura. Nagsimula ang seremonya sa pamamagitan ng isang maayos at makulay na parada ng mga mag-aaral na nakasuot ng kasuotang Pilipino. Kasunod ng parada ay idinaos ang munting programa na sinimulan sa pag-awit ng Lupang Hinirang at pag-usal ng panalangin. Sinundan ito ng pambungad na pananalita mula sa dalubguro na si Gng. Imelda T. Albito na nagbigay-diin sa kahalagahan ng wika bilang tagapagdala ng kasaysayan at identidad ng sambayanang Pilipino.
Ipinakita rin sa unang araw ang pagtatanghal na may sayaw, awit, at maikling dula na nagpapakita ng yaman ng ating wika at kultura. Ginawaran ng parangal ang mga nagkamit ng pinakamagarang kasuotan mula sa iba’t ibang baitang. Gayundin naman, pinagkalooban ng sertipiko ang lahat ng mga mag-aaral na nakilahok at nagbihis ng magarang kasuotan para sa nasabing pagdiriwang.
Ang masiglang pakikilahok ng mga guro, mag-aaral, at magulang ay nagpapatunay na ang ating wika ay buhay at patuloy na magiging daan sa pagkakaisa hindi lamang sa buong bansa bagkus ito ay nagsisimula sa ating munting komunidad.
Sa kabuuan, naging matagumpay at makabuluhan ang pagbubukas ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika. Nawa’y maging inspirasyon ito upang lalo pang pagyamanin at mahalin ng bawat isa ang Wikang Pambansa, ang Wikang Filipino gayundin ang iba pang mga katutubong wika – mga yaman na tunay na kaagabay sa makasaysayan sa pagkakaisa ng bansa.